Mas makasasama sa halip na makabuti ang tuluyang pag-ban sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), ayon sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Sa statement, binigyang diin ni PAGCOR Chairman and Ceo Alejandro Tengco na ang pagbabawal sa Internet Gaming Licensees (IGLs) ay posibleng magtulak sa ibang lehitimong operators na magpatuloy sa pamamagitan ng underground.
Sinabi ni Tengco na kung mangyayari ito ay mas mahihirapan silang ma-monitor ang mga IGL, at posibleng dumami ang illegal operators na lalong magpapasakit sa ulo ng mga awtoridad.
Bukod pa rito, idinagdag ng PAGCOR Chief na malaki ang mawawalang kita ng pamahalaan na nasa P20 billion kada taon, nang walang anumang garantiya na matitigil na ang mga iligal na aktibidad.
Sinabi ni Tengco na nasa 255 dating offshore gaming operators ang kasalukuyang iligal na nag-o-operate sa bansa.
Aniya, kinansela ang lisensya ng mga POGO noong September 2023 bunsod ng pagkakasangkot sa iba’t ibang criminal activities.