Aprubado na sa House Committee on Games and Amusement ang dalawang panukalang batas na tuluyang magbabawal sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa bansa.
Una nang inaprubahan ang House Bill 5082 na inakda ni Manila 6th District Representative Bienvenido “Benny” Abante, Jr. at ang House Bill 1197 na Congressman Rufus Rodriguez.
Pinasalamatan ni Rodriguez ang Komite sa ipinakitang katatagan para palayasin ang POGO sa Pilipinas sa kabila nang pag-amin ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na malaking kita ang ibinibigay nito sa pamahalaan.
Gayunman batay sa talaan ng Philippine National Police, nagagamit ang POGOs sa iba’t-ibang ilegal na aktibidad gaya ng Money laundering, Illegal immigration and employment, Kidnapping, Prostitution, Scam at mararahas na krimen.
Patunay nito ang datos ng PNP na sa loob lamang ng unang anim na buwan ng 2023, umabot sa 4,039 ang naging biktima sa mga POGO related crimes.
Para kay Rodriguez at Abante, anomang benepisyo sa gobyerno mula sa POGO ay nababaliwala rin dahil sa dinadala naman nitong problema sa peace and order ng bansa.