Patuloy ang ginagawang Joint Metro and Regional Development Council meeting sa pagitan ng Department of the Interior and Local Government (DILG), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at mga alkalde ng Metro Manila upang talakayin ang mga hakbang laban sa lumalalang trapiko sa rehiyon.
Kabilang sa mga panukalang inilatag sa pulong noong August 1, ang pagbabawal ng street parking sa buong Metro Manila mula alas-5 ng umaga hanggang alas-10 ng gabi, na iminungkahi ni DILG Secretary Jonvic Remulla. Layon nitong maibsan ang pagsisikip ng mga kalsada bunsod ng patuloy na pagdami ng sasakyan.
Bukod dito, iminungkahi rin ni MMDA Chairman Atty. Romando Artes ang no side-street parking policy tuwing umaga at hapon, lalo na sa rush hours.
Sa pagpupulong na dinaluhan ng mga alkalde ng Metro Manila, MMDA, DILG, at Philippine National Police (PNP), tinalakay din ang posibilidad ng pagbabawal ng paradahan sa mga inner street o loobang kalsada.
Kinamusta ni Remulla ang sitwasyon ng trapiko sa bawat lungsod at hinimay ang mga posibleng epekto ng panukala. Ilan sa mga mungkahing inilahad ay ang one-side parking sa piling oras, ang “no garage, no car” policy, at insentibo para sa mga establisyementong may sapat na parking space.
Giit ni MMDA Chairman Artes, mahigpit nang ipinagbabawal ang street parking sa mga pangunahing kalsada at Mabuhay Lanes, na nagsisilbing alternatibong ruta ng mga motorista. Gayunman, ang regulasyon sa loobang kalsada ay ipinaubaya na sa mga lokal na pamahalaan.
Batay sa 2024 traffic index, tinatayang 500,000 bagong pribadong sasakyan ang naidagdag sa Metro Manila noong nakaraang taon — dahilan ng mas matinding trapiko, bukod pa sa paglobo ng populasyon at limitadong espasyo sa kalsada.