Pabor si Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. sa ipinapanukala ng Commission on Elections (COMELEC) na ipagbawal ang paggamit ng Artificial Intelligence (AI) sa eleksyon sa susunod na taon.
Sinabi ni Revilla na kadalasang nagiging dahilan lamang ng pagkalat ng kasinungalingan ang technological advancement.
Iginiit ng senador na walang puwang sa proseso ng demokrasya ang anumang pamemeke ng mga datos lalo na ang mga kasinungalingan.
Naniniwala rin ang mambabatas na ang gagamit lamang ng mga ganitong uri ng istratehiya ay ang mga taong walang magandang intensyon kundi pansariling interes lamang.
Una nang sinabi ni COMELEC Chairman George Garcia na kukumbinsihin niya ang Commission En Banc na maglabas ng kautusan na ipagbabawal ang paggamit ng AI at Deepfake dahil nagdudulot lamang ito ng kalituhan sa publiko.