Ilang senador ang nagpahayag ng pagsuporta sa pagpabor ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa agarang pagbabalik sa lumang school calendar.
Ayon kina Senators Sherwin Gatchalian at Francis Tolentino, malaking tulong ito sa mga mag-aaral at guro upang makahabol sa antas ng edukasyon bago ang Covid-19 pandemic.
Idinagdag ng dalawang senador na mahalagang bagay din na maiiwas na ang mga mag-aaral sa pagpasok sa mga buwan ng Abril at Mayo kung saan napakatindi ng init ng panahon.
Ipinaliwanag ng dalawang senador na nakita na sa mga nakalipas na linggo ang madalas na suspensyon ng face to face classes bunsod ng mainit na panahon na maituturing na panganib sa kalusugan at kaligtasan ng lahat.
Nangako rin si Gatchalian na siyang chairperson ng Senate Committee on Basic Education na makikipagtulungan siya sa Department of Education at iba pang stakeholders para sa maayos na transition papunta sa dating school calendar.
Sa lumang school calendar, Hunyo ang magiging simula ng klase habang summer vacation ang mga buwan ng Abril at Mayo.