Suportado ni Sen. Joel Villanueva ang panukalang nagbibigay-prayoridad sa kapakanan ng mga manggagawang Pilipino, kabilang na ang posibilidad ng pag-amyenda sa Maternity Leave Law.
Binigyang-diin ng senador na bahagi ito ng mas malawak na layunin ng “Trabaho Para Sa Bayan Plan 2025–2034,” na inilunsad kamakailan upang tugunan ang mga isyu sa kawalan ng trabaho at hindi pantay na oportunidad sa mga lugar ng trabaho.
Ipinaliwanag pa ni Villanueva na mahalagang kilalanin na ang responsibilidad sa pagpapalaki ng mga anak ay hindi dapat iatang lamang sa kababaihan.
Kabilang sa mga layunin ng panukala ay ang pag-alis sa stigma na ang pagiging ina ay hadlang sa pagkakaroon ng maayos na trabaho o sa pag-asenso sa propesyon.
Hindi aniya dapat naiiwanang mas marami ang bilang ng mga kababaihang walang trabaho o kaya ay underemployed, bukod pa sa hindi pagka-pantay pantay ng sweldo at oportunidad na umasenso sa trabaho dahil sa pagiging babae.
Ang “Trabaho Para Sa Bayan Plan” ay isang long-term national employment strategy na naglalayong magsulong ng produktibong trabaho, pagkakapantay-pantay sa sahod at oportunidad, at mas inklusibong labor policies para sa lahat ng Pilipino.