dzme1530.ph

Pagbabago sa anumang probisyon sa inaprubahang MIF bill, maituturing na falsification

Ibinabala ni Senate Minority leader Koko Pimentel na maituturing na falsification kung papalitan o babaguhin ang ilang probisyon sa panukalang naipasa na sa 3rd and final reading.

Ginawa ni Pimentel ang babala sa gitna ng pahayag ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na dahil hindi pa enrolled bill ang Maharlika Investment Fund bill, maaari pa itong isailalim sa perfecting amendments o magsagawa ng final touches.

Sinabi ng senador na mawawalan ng saysay ang salitang final sa pagpapasa ng bill sa 3rd and final reading kapag maaari pa itong galawin ng iba.

Kaya kung may gagalawin anya o papalitan na anumang salita sa naaprubahang bersyon ng MIF bill para ito maging perpekto ay maituturing na itong isang krimen.

Ang pagperpekto sa isang panukala anya ay dapat ginagawa sa plenaryo ng mga senador o mga elected members ng senate at hindi na uubra na mga staff o mga unelected staff na baguhin ang naging trabaho ng mga elected members ng senado.

Gayunman nilinaw ni pimentel na maari namang baguhin ang pagkakasunud-sunod ng numero ng mga section na nakapaloob sa isang naaprubahang bill.

Matatandaang sa naaprubahang MIF bill ay naipasok ang section 50 at 51 na nagsasaad ng magkaibang prescriptive period sa paghaharap ng kaso sa sinumang aabuso sa Maharlika fund. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author