Hindi na ikinagulat ng Department of Justice (DOJ) ang pagbaba ng approval rating nina Pangulong Bongbong Marcos at Vice President Sara Duterte-Carpio sa huling Pulse Asia Survey nitong buwan ng Setyembre.
Sa press briefing, sinabi ni Justice Sec. Jesus Crispin Remulla na hindi na nakapagtataka ang ibinaba sa approval rating ng dalawang lider dahil sa matinding pamumulitika ng mga kritiko ng pamahalaan.
Sa larangan anya ng pulitika, asahan na ang “up and down” sa mga survey lalo pa at hindi tumitigil ang mga kaaway ng gobyerno.
Ngunit hindi ibig sabihin ng pagbaba ng approval rating ay nagpapabaya na ang pamahalaan sa mga programa nito para sa taumbayan.
Umaasa naman ang kalihim na tataas muli ito sa mga susunod na buwan dahil mararamdaman na ng taumbayan ang mga programang inilatag ng gobyerno. –sa ulat ni Felix Laban, DZME News