Ibinunyag ni Sen. Risa Hontiveros ang nakaaalarmang pagtaas ng “guerilla scam operations” matapos ang pagpapalabas ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na i-ban ang lahat ng uri ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa bansa.
Sa deliberasyon sa panukalang pondo ng Department of Information and Communications and Technology (DICT) para sa susunod na taon, sinabi ni Hontiveros na mas maraming guerilla scam operations sa ngayon at mahirap ding ma-detect.
Dahil dito, kinalampag ng senadora ang Cybercrime Investigation Coordinating Center para pagtuunan ng pansin ang mga ganitong operasyon.
Sinabi naman ng DICT sa pamamagitan ng sponsor ng budget nito na si Sen. Sherwin Gatchalian na nasa 11 scam hubs na ang nahuli ng CICC.
Ito aniya ay sa pakikipagtulungan sa iba’t ibang law enforcement agencies kabilang na ang Philippine National Police at National Bureau of Investigation.
Idinagdag pa ng senador na mayroon silang teknolohiya upang matukoy din ang mga scam hubs sa bansa at hotline na maaaring tawagan ng mga tao at iulat ang ganitong uri ng scamming operation.
Sa kabila nito, nais din ng DICT na matalakay sa close-door meeting ang mga proseso nila partikular sa paggamit ng teknolohiya sa pagtuklas ng mga scam hub. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News