Suportado ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pag-regulate ng artificial intelligence (AI) sa trabaho o workplace.
Ito ang binigyang-diin ni DOLE Sec. Bienvenido Laguesma kaugnay ng panukala ng ilang mambabatas na i-regulate ang AI dahil sa banta sa mga Pilipinong nagtatrabaho sa business process outsourcing (BPOs) at manufacturing sector.
Inamin din ni Laguesma na ang paggamit ng AI ay posibleng humantong sa pagkawala ng trabaho ng isang tao, partikular ang mga empleyado na nasa mga kumpanya na gumagamit ng makabagong teknolohiya.
Subalit, iginiit ng DOLE Chief na hindi lubos na mapapalitan ng AI ang mga empleyado o human resources.
Nilinaw naman ni Laguesma na hindi balak ng ahensya na harangan ang anumang uri ng teknolohiya na magpapabuti sa produktibidad ng trabaho at hindi rin aniya hahayaan ng DOLE na magkaroon ng pagbabago na maaaring ikapahamak ng mga empleyado o operasyon ng negosyo.
Sa ngayon, sinabi ng kalihim na patuloy nilang pinag-aaralan ang AI bilang bahagi ng pagsisikap ng gobyerno na matugunan ang posibleng pagkawala ng trabaho dahil dito. —sa panulat ni Airiam Sancho