dzme1530.ph

Pag-phased out sa POGO, gawin sa loob ng 2-3 taon

Sa halip na immediate ban, mas nais ni Senador JV Ejercito na bigyan ng dalawa hanggang tatlong taon na palugit ang pag-phase out sa mga Philippine Offshore Gaming operator (POGO) sa Pilipinas.

Ginawa ng senador ang pahayag bilang reaksyon sa rekomendasyon ng Senate Committee on Ways and Means para sa pagpalalayas sa mga POGO sa bansa.

Ayon kay Ejercito, dapat bigyan ng dalawa hanggang tatlong taong palugit ang phase out para maiwasang magkaroon ng masamang persepsyon sa lehislatura dahil una na nilang ginawang legal ang POGO.

Sa bisa ng binuong batas ng nakaraang Kongreso na nagpapataw ng buwis sa mga POGO ay naisalegal na rin ang operasyon ng mga kumpanyang ito.

Iginiit ng mambabatas na kailangang magkaroon ng phase out period para sa mga legal na POGO at ang mga kailangang mapasara sa lalong madaling panahon ay ang mga ilegal na POGO.

Pinaliwanag pa ng mambabatas na kailangan kasing magkaroon rin ng paghahanda para sa mga empleyado na mawawalan ng trabaho kapag pinagbawal na sa Pilipinas ang mga POGO

Posible rin aniyang magkaroon ng epekto sa ibang Industriyang may kaugnayan dito ang biglaang pagpapatigil ng POGO. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author