Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagpapabilis pa ng pag-develop o paggamit ng Electric Vehicles (EV) sa pampublikong transportasyon.
Ito ay kasabay ng deadline ng Public Utility Vehicle consolidation ngayong Abril 30.
Sa sectoral meeting sa Malakanyang, inatasan ng pangulo ang Department of Energy (DOE) at iba pang kaukulang ahensya na madaliin na ang implementasyon ng action plans at mga istratehiya para sa integration ng e-vehicles sa public transport.
Isinulong din ni Marcos ang pagpapalakas ng local manufacturing ng e-vehicles at battery charging mechanisms.
Pinatututukan din ang pagbili ng Commercial Fleet Electric Vehicles tulad sa gobyerno o sa mga pribadong kumpanya.
Kaugnay dito, iniutos ng Pangulo ang consolidation o pagsasama-sama ng financing schemes para sa mas magaang pagbili ng e-vehicles.
Nais naman ng DOE na itaas sa 50% mula sa 10% ang target percentage ng e-vehicle sa kabuuang bilang ng mga sasakyan sa bansa pagsapit ng taong 2040.