Kumbinsido si Sen. Imee Marcos na pinagplanuhan ang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Marso 11 taliwas sa pahayag ng cabinet members na biglaan ang lahat ng nangyari.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations, iprinisinta ni Marcos ang diffusion notice ng International Criminal Police Organization.
Nakasaad sa dokumento naitransmit ito after prior notice o matapos ang paunang konsultasyon sa gobyerno na sumang-ayon sa request kaugnay sa warrant of arrest laban sa dating Pangulo mula sa International Criminal Court.
Iniugnay din ng senador ang memorandum ni PNP Chief Rommel Marbil para sa mobilization umano ng pitong libong pulis isang araw bago ang pag-aresto sa dating lider ng bansa.
Nilinaw naman ni Marbil na ang pagmobilize ng mga dagdag na pulis ay bunsod na rin ng bali-balitang aarestuhin ang dating pangulo subalit itinangging umabot ito sa pitong libo.
Samantala, pag-iisipan pa ni Marcos kung magpapatawag pa ng panibagong pagdinig dahil marami aniyang nagpahayag ng interes na maging resource persons.
Subalit titimbangin pa aniya ng kumite kung kailangan pa ng isa pang hearing bago makabuo ng report.