IGINIIT nina Senate Majority Leader Francis Tolentino at Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na hindi dapat palampasin ng gobyerno at agad tutulan ang pang-aangkin ng China sa Sandy Cay.
Ayon kay Tolentino, dapat kondenahin ang iligal na pag-agaw ng China Coast Guard sa Sandy Cay na malinaw na paglapastangan sa soberanya ng Pilipinas.
Ang Sandy Cay anya ay nasa loob ng ating teritoryal na karagatan at walang dudang bahagi ng ating bansa ayon sa batas internasyonal.
Iginiit ni Tolentino na dapat maghain ng pinakamalakas na diplomatikong protesta at palakasin ang depensa sa West Philippine Sea.
Sinabi naman ni Estrada na dapat manatiling vigilante at pursigido sa pagbibigay proteksyon sa ating soberanya at maritime rights.
Hinimok din niya ang mga ahensya ng gobyerno na agad linawin ang sitwasyon at tiyaking tutugunan ang mga paglabag sa ating territorial integrity sa lalong madaling panahon.