dzme1530.ph

Pag-amyenda sa UHC Law, magpapaganda sa serbisyo sa kalusugan

Kumpiyansa si Senador JV Ejercito na mas magiging maganda ang kalidad ng pangangalaga sa kalusugan ng publiko sa sandaling maamyendahan ang Universal Health Care (UHC) Law.

Inilatag na ni Ejercito sa plenaryo ang Senate Bill 2620 na may layuning rebisahin ang premium rates ng mga miyembro ng PhilHealth.

Ipinaliwanag ni Ejercito na naisabatas ang UHC Law bago pa man ang COVID-19 pandemic at kinakailangang ma-i-akma sa panahon ang batas kung saan i-a-adjust ang PhilHealth rates sa kontribusyon ng mga myembro.

Binigyang-diin ng mambabatas na hindi makatarungan na tataasan ang rates sa kontribusyon kung kailan walang pera ang mga tao at karamihan ay kasalukuyan pa ring bumabangon mula sa epekto ng pandemya.

Ilan pa sa key reforms ng panukala ay i-a-adjust din ang premium contributions ng mga OFWs batay sa kanilang sahod at ang 50% ng kanilang kontribusyon ay isu-subsidiya o sasaluhin ng gobyerno na kukunin sa national budget.

Pinapayagan din sa panukala na isuspinde ng Pangulo ang pagtaas sa premium contribution rates kapag mayroong national emergency, public health emergency o state of calamity.

About The Author