Kasabay ng pagdiriwang ng Labor Day, muling nanawagan si Senador Gatchalian sa pagsasabatas ng kanyang panukalang Revised Magna Carta for Public School Teachers o Senate Bill No. 2493 na nagtataguyod ng kapakanan ng mga guro.
Layun ng panukala na amyendahan ang Magna Carta for Public School Teachers na isinabatas 57 taon na ang nakalilipas.
Kabilang sa mga isinusulong ang pagbibigay ng calamity leave, educational benefits, at longevity pay sa mga guro.
Nakasaad din sa panukala ang mga kondisyon sa pagbibigay ng special hardship allowance, pinaigting na criteria sa sahod, at proteksyon sa mga guro mula sa out-of-pocket expenses o dagdag gastos.
Nakapaloob din sa panukala na kung ano ang sahod, benepisyo, at mga kondisyon sa trabaho na nakukuha ng entry-level teachers ay makukuha din ng probationary teachers.
Minamandato rin ang pagbabawas ng oras ng pagtuturo sa apat na oras mula anim subalit maaaring magtrabaho ang mga guro nang hanggang walong oras kung kinakailangan.
Ipagbabawal rin ng panukalang batas ang pagbibigay ng mga non-teaching task sa mga guro.