Kumpiyansa si Sen. Sonny Angara na mas magiging epektibo ang implementasyon ng mga proyekto ng gobyerno at mababawasan kung hindi man tuluyang masasawata ang katiwalian sa procurement ng mga suplay sa isinusulong na pag-amyenda sa Government Procurement Reform Act.
Sa gitna ito ng pahayag ng senador na nabusisi nilang mabuti ang mga ipatutupad na pag-amyenda sa isinagawa nilang tatlong pagdinig, 10 technical working group meetings at ilang buwang konsultasyon para sa 13 panukala.
Sinabi ni Angara na inaasahan nilang mapapaikli ang proseso ng government procurement sa isinusulong nilang pag-amyenda sa batas at maiwasan ang pagsasayang ng mga wastage o pag-aaksaya.
Nilinaw naman ni Angara na ang mga naitatalang wastage ay hindi naman pawang bunsod ng katiwalian kundi ang iba ay dahil sa kapalpakan ng ilang government entities at ng procurement process sa kabuuan.
Batay sa 2019 World Bank analysis sa Philippine procurement data, natuklasan na kung magpapatupad ng mas maayos na procurement strategies at policies ang bansa ay makakatipid ito ng 29 percent ng kabuuang procurement.
Kung kukuwentahin mula 2014 hanggang 2018, aabot sa P1.2-T ang matitipid ng gobyerno.
Sinabi ni Angara na alam ng administrasyon sa problema sa procurement law kaya’t prinayoridad din ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pag-amyenda dito.