Kumplikado ang implikasyon ng pag-amin ni dating Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na mismong si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang nag-utos na ilipat ang P47.6 billion Covid Funds ng DOH sa Procurement Service ng Department of Budget and Management (DBM).
Ito ang iginiit ni dating Senador Panfilo Lacson na nagsabing malaki ang implikasyon ng pag-amin ng dating opisyal sa ligal na usapin
Iginiit ni Lacson na mahalaga aniyang linawin ni Duque kung kusa itong iniutos ng dating Pangulo o batay lamang sa rekomendasyon ng DOH, PhilHealth o ng binuong Inter-Agency Task Force.
Tanong pa ng dating senador kung ginawa lamang ni Duque ang pag-amin upang dipensahan ang kanyang sarili.
Ipinaalala ni Lacson na hindi naman nabanggit ng dating kalihim ang detalye sa mga dating pagdinig kaugnay sa isyu ng Pharmally.
Sa ngayon naman aniya ay may isinampa nang kaso ang Office of the Ombudsman na may kaugnayan sa Pharmally Case batay sa naging pagsisiyasat ng Senado.