Iminungkahi ni Sen. Panfilo Lacson ang isang “eksperimento” na layong maiwasan ang pag-uulit ng katiwaliang nagresulta sa pagkakabaluktot ng 2025 national budget dahil sa congressional insertions at realignments.
Para sa 2026 budget, iminungkahi ni Lacson na i-adopt ng Senado nang buo ang National Expenditure Program (NEP), sa paniniwalang masusing sinuri na ito ng Executive Department.
Sa ganitong paraan, aniya, mas mapapadali ang trabaho at kapag nagkaloko-loko ang implementasyon ng mga proyekto, pananagutan na ng Executive Department.
Sinabi ni Lacson na ikinokonsidera niyang isulong ang panukalang pag-adopt ng NEP sa briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) sa mga darating na linggo.
Binigyang-diin niya na maaaring parehong i-adopt ng Senado at Kamara ang NEP at sabay na bantayan ang implementasyon ng mga proyekto.
Nilinaw ni Lacson na magiging eksperimento lamang ito sa loob ng isang taon, at kung hindi magtagumpay, babalik sa realignment.