Dapat tiyaking nakabatay sa ebidensya at siyensya ang pag-aalis ng deklarasyon ng state of national emergency dahil sa COVID-19.
Ito ang binigyang-diin ni Senate Committee on Health Chairman Bong Go sa plano ni Health Secretary Teodoro Herbosa na irekomendang alisin na ang deklarasyon ng state of emergency sa Pilipinas dahil sa COVID-19 pandemic.
Kabilang na rin aniya sa mga dapat ikonsidera ang pagtitiyak na ang mga kasalukuyang healthcare system ay matatag na sakaling muling sumipa ang bilang ng mga COVID-19 cases sa bansa.
Umaapela rin ang senador sa Department of Health (DOH) at sa iba pang kinauukulang ahensya nabilisan ang pagbibigay ng mga COVID19-related allowances sa ating mga healthcare workers.
Kasama na aniya dito ang mga death benefit ng mga medical front liners na nagbuwis ng buhay para sa kaligtasan at kapakanan ng taumbayan.
Binigyang diin rin ni Go na mayroon man o walang state of public health emergency ay dapat tuparin ng pamahalaan ang obligasyon nito na protektahan ang buhay at kalusugan ng mga Pilipino, at ibigay ang nararapat lalo na sa ating mga medical front liners. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News