![]()
Kinatigan ni Senate Committee on Banks Chairman Mark Villar ang direktiba ng Bangko Sentral ng Pilipinas na alisin na ng mga bangko at financial institutions ang SMS one time passwords at mag-adopt ng mas malakas na security measures pagsapit ng June 30, 2026.
Sinabi ni Villar na mahalagang hakbang ito upang mas maging ligtas ang digital banking at mapaigting ang proteksyon laban sa phishing, SIM swapping at iba pang uri ng online scam.
Alinsunod din, anya, ito sa Anti-Financial Account Scamming Act na naglalayong protektahan ang publiko laban sa online scams at hindi awtorisadong financial transactions.
Aminado si Villar na nangangamba siyang hindi sapat ang SMS OTPs para dipensahan ang mga users mula sa panganib ng scam dahil marami pa rin ang nabibiktima.
Binigyang-diin pa ng senador na kaya na ring makipagsabayan ng mga hackers at scammers kaya napapanahon nang umaksyon ang BSP at gawing mas ligtas at mapangalagaan ang transaksyon ng lahat.
Sa direktiba ng BSP, minamandato ang paggamit ng advanced authentication methods tulad ng biometrics, fingerprint o facial recognition, in-app approvals, push notifications, device-based verification at iba pang security tools na mahirap pasukin ng mga scammers.
