dzme1530.ph

Pag-aakyat sa UN general assembly ng isyu sa WPS, suportado!

Suportado ni Senador JV Ejercito ang resolusyon ni Senador Risa Hontiveros na humihikayat sa gobyerno na idulog sa United Nations general assembly ang patuloy na panghaharas ng China sa bahagi ng West Philippine Sea.

Sinabi ni Ejercito na lumilitaw na nagiging regular na ang panggigipit o panghaharas ng mga tropa ng China sa mga mangingisdang Pinoy, maging sa mga tauhan ng Philippine Coast Guard at Philippine Navy.

Ipinaalala pa ng senador na mahigit 100 note verbale na rin ang naihain ng Department of Foreign Affairs (DFA) laban sa China subalit hindi naman ito inaaksyunan.

Mahalaga anyang magamit ng gobyerno ang lahat ng diplomatikong pamamaraan upang maresolba ang isyu, kabilang na ang pagdulog sa UN.

Napakahalaga anyang muli nating igiit ang pagkapanalo ng bansa sa The Hague, na kumikilala sa soberanya ng Pilipinas sa naturang teritoryo. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author