dzme1530.ph

P6.79-T 2026 national budget, aprubado na sa third reading

Loading

Aprubado na sa third and final reading ng Kamara ang House Bill No. 4058 o ang ₱6.793-trillion 2026 General Appropriations Bill (GAB).

Sa botong 287 pabor, 12 tutol, at 2 abstain, inaprubahan ng mga kongresista ang pambansang budget na sinimulang talakayin sa termino ni dating Speaker Martin Romualdez, at tinapos sa ilalim ng bagong House Speaker Faustino “Bojie” Dy III.

Mabusisi ang naging deliberasyon sa National Expenditure Program (NEP) dahil sa mga pagbabagong ipinatupad sa proseso ng pagbalangkas nito.

Kabilang sa mga reporma ang live streaming ng lahat ng pagdinig mula committee level hanggang plenaryo, pagpapasok ng civil society organizations bilang observers, at ang pagbuo ng Budget Amendments Review Sub-Committee (BARSc) na pumalit sa kontrobersyal na small committee.

Kabilang sa mga tinapyasan ng pondo ang Office of the Vice President (OVP) matapos hindi dumalo si Vice President Sara Duterte o sinumang senior official ng OVP sa plenary deliberations, isang hakbang na tinawag ni Rep. Leila de Lima na pambabastos sa institusyon.

Mula sa ₱889.24 milyon, ibinaba sa ₱733.2 milyon ang pondo ng OVP, katumbas ng budget nito ngayong 2025.

Samantala, ₱255 bilyon mula sa DPWH flood control projects ang inilipat sa ibang ahensya.

Sa kabuuan, ₱56.6 bilyon ang nadagdag sa education sector, dahilan para umabot sa ₱1.28 trilyon ang kabuuang pondo nito sa 2026.

Nagdagdag din ng ₱60 bilyon sa health sector, partikular sa PhilHealth subsidy at sa Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients program, bilang tugon sa zero billing program ni Pangulong Marcos.

Tumaas din sa ₱292.9 bilyon ang pondo ng Department of Agriculture para sa susunod na taon.

About The Author