dzme1530.ph

P40 na umento sa suweldo ng minimum wage earners sa NCR, ipatutupad nang naaayon sa schedule

Ipatutupad ang inaprubahang P40 na umento sa arawang suweldo ng minimum wage earners sa pribadong sektor sa National Capital Region (NCR) nang naaayon sa schedule sa kabila ng apela na inihain ng labor coalitions.

Sinabi ng Department of Labor and Employment (DOLE), na epektibo pa rin sa July 16, 2023 ang pagbibigay ng umento sa sahod, alinsunod sa inaprubahan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board ng NCR.

Ang apela ay magkakasamang inihain ng Alliance of Nationalist and Genuine Labor Organization, Labor Alliance for National Development, Gabay ng Unyon sa Telekomunikasyon at Serbisyo, Pinagkaisang Lakas ng Manggagawa ng Manila Bay at kanilang mga kaalyadong labor organizations.

Sa gitna pa rin ng mataas na inflation at patuloy na paglobo ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo, iginiit ng mga petitioner na ang dapat maging basehan ng minimum wage ay family living wage, na nagkakahalaga ng P1,161 at hindi ang poverty threshold.

Batay sa umiiral na rules, sinabi ng Labor Department na dapat maresolba ng National Wages and Productivity Commission ang apela sa loob ng 60 calendar days mula sa filing date. —sa panulat ni Lea Soriano

About The Author