Ipinagmalaki ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pinasinayaang bagong factory ng Unilever sa General Trias, Cavite.
Ayon sa Pangulo, ang P4.7-B factory ay bahagi ng naisakatuparang investments na kanyang nakuha mula sa pag-bisita sa Belgium noong Disyembre 2022 para sa ASEAN EU Summit.
Sinabi ni Marcos na nakasisiglang makita ang pagsasakatuparan ng investment sa loob lamang ng ilang buwan, at lalo umano itong nagbigay-inspirasyon sa kanya at sa gobyerno na sipagan pa ang trabaho para sa publiko.
Idinagdag pa nito na ang bagong pabrika ay magsisilbing “vote of confidence” para sa iba pang investors upang mahikayat silang mag-negosyo na rin sa Pilipinas.
Tinawag ito ni Marcos bilang welcome development para sa pagpapalakas ng manufacturing sector at pagbibigay ng trabaho at oportunidad sa mga Pilipino.
Ang nasabing planta ay inaasahang makalilikha ng 5,000 direct at indirect jobs, at 90,000 tons ng personal care products kada taon. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News