Nanawagan ang isang government workers group na itaas ang national minimum wage sa P33,000 kada buwan, kasunod ng panawagan ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na rebyuhin ang umiiiral na minimum wage rates sa bawat rehiyon sa bansa.
Ayon sa Confederation for Unity, Recognition, and Advancement of Government Employees (COURAGE), dapat ding isama sa pagre-review ng minimum wage rates ang mga government workers.
Naniniwala si COURAGE President Santiago Dasmariñas Jr. sa kasabihang “kapag gusto may paraan, pero kapag ayaw, maraming dahilan.”
Ang P33,000 na buwanang sweldo ay katumbas ng arawang sahod na P1,650 batay sa 20 working days per month.
Mahigit doble ito ng kasalukuyang minimum wage na P610 sa metro manila, at mahigit apat na beses sa minimum na sahod na P361 sa Bangsamoro region.