Suntok sa buwan para sa National Economic and Development Authority (NEDA) ang tanong kung kailan makakamit ang P20.00 na kada kilo ng bigas na ipinangako ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr..
Sa press briefing sa Malakanyang, inihayag ni NEDA Sec. Arsenio Balisacan na upang mapataas ang produksyon at maibaba ang presyo ng bigas, kinakailangan ang investments sa irigasyon, modern-high yielding varieties, pest control, at logistics.
Gayunman, sinabi ni Balisacan na hindi ito lahat magagawa sa loob lamang ng isang magdamag.
Iginiit pa ng kalihim na ang mga nasabing investments ay matagal na dapat ginawa, ngunit ilang dekada umanong napabayaan ang sektor ng agrikultura.
Kung ipipilit na ibaba na ngayon sa P20.00 ang bigas ngunit hindi naman naitataas ang produksyon, sinabi ni Balisacan na ang mga magsasaka ang magiging kawawa. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News