Isinusulong ni Senador Risa Hontiveros ang pagsasabatas ng panukalang pagkalooban ng P1,500 na buwanang social pension ang mga senior citizen upang makatulong sa kanilang pang-araw-araw na gastusin.
Nakasaad ito sa Senate Bill 215 o ang proposed Lingap Para kay Lolo at Lola Act ni Hontiveros, na naglalayong amyendahan ang Expanded Senior Citizens Act of 2010.
Ayon kay Hontiveros, dumarami ang pangangailangan ng mga lolo’t lola habang sila ay tumatanda, lalo na sa usapin ng kalusugan. Subalit marami sa kanila ang hindi na kayang bumili ng kanilang gamot, kaya mas pinipili nilang gastusin ang pera para sa pagkain, tubig, o kuryente.
Una nang sinabi ng Department of Social Welfare and Development na ang kasalukuyang P1,000 kada buwan na pensyon ay limitado lamang sa mga indigent senior citizens.
Ipinaliwanag ni Hontiveros na matagal nang nakapako sa P1,000 ang social pension para sa mga seniors, at hindi pa lahat sa kanila ang nakakakuha nito, ngunit lahat ay kailangang matulungan sa gastusin.
Binigyang-diin pa ng senador na tuwing kaarawan ng mga lolo’t lola, palagi nilang hinihiling ang good health at long life. Kaya, aniya, dapat magtulungan ang lahat para maipasa ang universal social pension para sa mga seniors at matupad ang kanilang mga hiling.