Inihain na ni Deputy Speaker Raymond Democrito Mendoza ang panukalang batas kaugnay sa isinusulong na wage increase para sa mga manggagawa ng pribadong sektor.
Sa ilalim ng House Bill 7871 o Wage Recovery Act, ipinapanukala ang pagpapatupad ng P150 across-the-board wage increase sa private sector employees, habang ang mga employer na hindi tatalima rito ay pagmumultahin ng P100,000 hanggang P500,000 at/o makukulong ng dalawa hanggang apat na taon.
Ayon kay Mendoza, hindi na makakapaghintay ang mga manggagawa na umaksyon ang Regional Wage Board sa mga petisyon na itaas ang sahod.
Noong nakaraang taon, kinakalampag na rin niya ang mga ito para aksyonan ang petisyon para sa umento sa sahod dahil sa epekto ng inflation. —sa panulat ni Airiam Sancho