Tiniyak ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang paglalaan ng P110-M na pondo para sa emergency employment at livelihood assistance sa tinatayang 20,000 indibidwal na naapektuhan ng oil spill sa Oriental Mindoro.
Ayon kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma, magtutulong-tulong ang DOLE, Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), at Department of Tourism (DOT) gayundin ang provincial government para sa mabilis na pagproseso ng mga kinakailangan sa programa.
Kabilang na dito ang Tulong Pang-hanap buhay sa ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program na ilulunsad sa buong probinsya at skill training at NC II courses programs na ibibigay ng TESDA.
Tiniyak ng kagawaran na pagsusumikapan nila ang pagpapanatili ng inklusibong tulong sa mga apektado ng oil spill. —sa panulat ni Jam Tarrayo