Isang hakbang na lamang at tuluyan nang mararamdaman ng mga guro sa pampublikong paaralan ang kanilang dobleng teaching allowance.
Ito ay makaraang ratipikahan na rin sa Senado ang bicameral conference committee version ng panukalang batas na layong gawing P10,000 ang teaching allowance.
Sa pagsusulong ng Senate Bill 1964 at House Bill 9682 o ang proposed ‘Kabalikat sa Pagtuturo Act’, iginiit ng mga mambabatas na hindi na sapat ang P5,000 allowance ng mga public school teachers para sa kanilang pangangailangan sa pagtuturo.
Ayon kay Senate Committee on Civil Service Chairman Ramon ‘Bong’ Revilla Jr., matagal nang hinihintay ng mga guro ang pagsasabatas ng panukala.
Binigyang-diin ng senador na bagamat nakasaad sa konstitusyon na ang education sector ang dapat may pinakamalaking alokasyon sa national budget, ay patuloy na dumadaing ang mga public school teachers na hindi sapat ang kanilang kita kumpara sa mga tungkulin at obligasyong inaatang sa kanila.
Kaya naman sa pamamagitan ng panukalang ito ay nais ng senador na kilalanin ang mahalagang papel ng mga guro, lalo na sa paghubog at pagbibigay kaalaman sa mga kabataan.