dzme1530.ph

Overpricing ng DPWH sa farm-to-market road projects ng DA at posibleng ghost farmer beneficiaries, nasilip sa Senado

Loading

Nasilip ni Senate Finance Committee Chairman Sherwin Gatchalian ang ilang anomalya sa Department of Agriculture (DA), partikular sa mga ginawang farm-to-market roads ng Department of Public Works and Highways (DPWH), gayundin sa pamamahagi ng benepisyo sa mga magsasaka.

Sa pagtalakay sa panukalang 2026 budget ng DA, binusisi ni Gatchalian ang listahan ng farm-to-market roads ng ahensya na ginawa ng DPWH mula 2023 hanggang 2024, kung saan natukoy ang labis na overpricing.

Inilarawan pa ni Gatchalian na extremely overpriced ang ilang proyekto dahil nasa ₱100,000 hanggang ₱348,000 ang presyo ng kada metro ng kalsada, gayung sinabi ni Agriculture Secretary Francis Tiu Laurel na kayang gawin ang farm-to-market road sa halagang ₱10,000 kada metro.

Inamin ni Laurel na sobrang nakakalula ang mga presyong ito, kasabay ng pag-amin na batay sa inisyal nilang audit ay may mga proyektong hindi nila mahanap.

Sa datos na nakuha ni Gatchalian, karamihan sa mga proyekto ay matatagpuan sa Bicol at Leyte, at ilan sa mga kumpanyang nakakuha nito ay iniuugnay umano kay Cong. Zaldy Co.

Bukod dito, nasilip din ni Gatchalian ang mga posibleng anim na milyong ghost farmer beneficiaries o mga pekeng benepisyaryo ng ayuda tulad ng subsidiya para sa gasolina, fertilizer, seedlings, conditional cash transfer, at crop insurance.

Ito ay makaraang lumitaw sa record ng DA na umaabot sa 13.5 milyon ang registered farmers, gayung ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), nasa pitong milyon lamang ang rehistradong magsasaka sa bansa.

Nagbanta si Gatchalian na kung hindi masosolusyunan ng DA ang problemang ito, tatanggalin nila ang pondo para sa subsidiya.

About The Author