Kinumpirma ni Senate Blue Ribbon Committee Acting Chairman Erwin Tulfo na isasama na nila sa pagdinig sa mga anomalya sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mga natuklasang overpriced na farm-to-market roads.
Sinabi ni Tulfo na makikipagpulong ito sa liderato ng Senado upang talakayin ang susunod na mga hakbang ng komite.
Ipinaliwanag ng senador na parehong mga pangalan ang nababanggit sa mga anomalya sa flood control projects at sa overpriced farm-to-market roads.
Bagama’t nakatitiyak ito na magpapatuloy ang mga pagdinig sa mga naturang anomalya, sinabi ng senador na posibleng mangyari ito sa pagbabalik ng sesyon sa Nobyembre 10 dahil may kanya-kanyang schedule din ang ibang senador.
Kinumpirma rin ng mambabatas na iimbitahan sa susunod na pagdinig sina Cong. Martin Romualdez at dating Cong. Zaldy Co.
Babala ni Tulfo na kapag hindi dumalo si Co sa pagdinig, maaari itong isyuhan ng subpoena, at kapag hindi pa rin ito pinansin ay masusundan ng warrant of arrest mula sa Senado.