Hindi pabor si Senador Francis ‘Chiz’ Escudero sa panukala na i-overhaul ang K-12 program na ipinatutupad ng Department of Education (DepEd).
Sa kabilang dako, aminado si Escudero na kailangang regular na repasuhin ang programa upang matugunan ang mga pangangailangan sa bawat panahon.
Lumitaw ang mga panawagan na i-overhaul ang K-12 program kasunod ng situational report ng Commission on Human Rights (CHR) na walang sapat na soft skills ang mga fresh graduates nitong pandemya kaya nahihirapang makahanap ng trabaho.
Nais namang malaman ni Escudero kung kasama sa natanong sa report ng CHR ang mga K-12 graduates bilang job seeker kaya’t naiugnay agad sa education system ang kahirapan nilang makahanap ng trabaho.
Sinabi ng senador na may posibilidad ding nasa sistema ng Commission on Higher Education (CHEd) o sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang problema.
Samantala, nanawagan si Senator Jinggoy Estrada sa Department of Trade and Industry (DTI), maging sa TESDA at sa iba pang kinauukulang ahensya ng gobyerno na palakasin at maglabas ng mga training programs para sa re-skilling at upskilling ng mga manggagawa lalo na mga bagong graduates na magiging bahagi ng workforce
Iginiit din ni Estrada ang pag-aapruba sa kanyang Senate Bill 1083 o ang proposed Apprenticeship Training Act na naglalayong maisaayos ang apprenticeship program para maipromote ang skills acquisition at youth employment. —sa ulat ni Dang Garcia