Kinumpirma ni OTS Chief Usec. Mao Aplasca na ni-relieve na ang isang babaeng security screening officer na sangkot sa pagnanakaw ng $300 sa isang pasaherong Chinese national sa NAIA terminal 1.
Ayon kay Aplasca, malinaw ang kuha ng CCTV camera at ito ang ginawa nilang batayan para mapatunayan ang sumbong ng pasahero na nawala ang kanyang pera sa wallet nang dumaan siya final security check.
Tumanggi naman si Aplasca na pangalanan ang 28 anyos na OTS personnel dahil may gagawin pa silang follow-up investigation kung sinu-sino ang mga kasabwat sa naturang nakawan.
Una nang itinago ng OTS ang nangyaring nakawan na kinasasangkutan ng ilang OTS screening officer subalit pumutok ang nasabing isyu matapos magsalita sa airport in-house media ang ilang kawani ng OTS dahil pati sila ay nadadamay sa isyu ng nakawan.
Matatandaang nangyari ang insidente noong a-8 ng Setyembre at hindi ito inilabas ng OTS sa media sa loob ng halos dalawang linggo, dahil on-going pa anila ang imbestigasyon. –sa ulat ni Tony Gildo, DZME News