dzme1530.ph

OTS security screening officer, lumunok ng dollar bills para itago ang ninakaw na pera sa NAIA

Posibleng mabalewala ang reklamo laban sa isang OTS security screening officer (SSO) na nagnakaw ng pera sa isang Chinese national sa final checkpoint sa departure area sa NAIA terminal 1.

Nagreklamo ang Chinese sa airport authority dahil nawala ang laman ng kanyang wallet na $300 nang dumaan sa final security check sa NAIA.

Agad namang nagsagawa ng follow-up ang airport authorities para i-review ang isang CCTV footage sa lugar kung saan nangyari ang insidente at doon nakita ang isang komprontasyon sa pagitan ng complainant at SSO, kanyang supervisor, isang passenger service agent, isang PNP at APD personnel.

Nakita sa CCTV na tumalikod ang SSO at hindi nito alam na nakaharap siya sa camera, kung saan nakitang nilulunok niya ang $300 bills na tiniklop nang maliit.

Ayon pa sa report, nakitang nahirapan ang SSO sa paglunok ng dollar bills sa kabila ng tubig na iniabot sa kanya.

Nilapitan umano ng supervisor ang nasabing SSO at nakita silang nag-uusap habang masuka-suka ang SSO at saka ito gumamit ng panyo para takpan ang kanyang bibig.

Sinubukan pang habulin ng mga awtoridad ang pasaherong Chinese na si Mr. Cai para sa pormal na pagsasampa ng criminal case laban sa mga OTS personnel na sangkot sa nakawan subalit tumanggi na ang dayuhan dahil maiiwan na siya sa kanyang flight pabalik sa kanila bansa. –sa ulat ni Tony Gildo, DZME News

About The Author