Hinikayat ni Senador Grace Poe ang Office for Transportation Security (OTS) na ipatupad ang one-strike policy laban sa tauhan at opisyal nito na masasangkot sa anumang uri ng modus operandi o iligal na aktibidad partikular ang pagnanakaw sa mga pasahero.
Naniniwala si Poe na kapag naipatupad ang panukala ay matatanggal na ang mga undesirables mula sa hanay ng mabubuting indibiduwal at makatutulong sila sa pagpapanatili ng integridad ng tanggapan na nabahiran ng korapsiyon at kontrobersiya.
Sinabi ng Chairperson ng Senate Committee on Public Services na dapat maipatupad ang mahigpit na mga hakbangin laban sa tiwaling tauhan upang magsilbing senyales na seryoso ang tanggapan na magkakaroon ng reporma sa kanilang hanay.
Ayon kay Poe, ang pinakahuling insidente na kinasasangkutan ng isang tauhan ng OTS na kung saan lumulon ito ng $300 na umano’y kinuha sa isang pasahero ay nagpapakita lamang na kahit ano ay maaari nilang gawin maisakatuparan lamang ang masamang gawain.
Iminungkahi din ni Poe ang pagrerepaso sa patakaran sa recruitment kasabay ng pagsasagawa ng masusing background check sa kasalukuyang empleyado. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News