Inihayag ni Defense Sec. Gilberto “Gibo” Teodoro Jr. na hinihintay pa nila ang opinyon ng Department of Justice (DOJ) kaugnay sa ligalidad ng hiling ng America sa Pilipinas na pansamantalang kupkupin ang refugees mula Afghanistan.
Ayon kay Teodoro, hinihintay pa ang pananaw ng DOJ upang malaman kung ito ay pinapayagan sa ilalim ng batas.
Sinabi ng DND Chief na ang pagbibigay ng special immigrant visa at hindi lamang humanitarian assistance ang hinihiling sa Pilipinas, kaya’t pinag-aaralan ito ng gobyerno.
Kinumpirma naman ni Teodoro na hindi pa umaabot kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang usapin.
Matatandaang una nang sinabi ni Presidential Communications Office Sec. Cheloy Garafil na “under evaluation” pa ang hiling na magpapasok sa bansa ng Afghan refugees. —sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News