Upang mas mabilis na makatugon sa mga sakuna, insidente, at iba pang emergency, nagdagdag ng mga tauhan ang Philippine National Police sa kanilang 911 command center.
Ayon kay PNP Chief Gen. Nicolas Torre III, may karagdagang 10 operators na inilagay sa 911 hotline upang mas mabilis na makasagot sa mga tawag ng publiko.
Ginawa ito upang maiwasan ang pagpila ng mga tawag na nagiging sanhi ng pagkaantala sa pagtugon.
Giit pa ni Torre, target nilang masagot ang mga tawag sa loob lamang ng tatlo hanggang limang rings.
Nabatid na nagkaroon ng kritisismo hinggil sa umano’y pag-abot ng hanggang 10 rings bago masagot ang tawag ng operator.
Umaasa ang PNP na sa dagdag na 10 operators ay mas mapapabilis ang pagtugon ng 911 hotline at maihahatid agad sa publiko ang kinakailangang tulong at aksyon.