IBINULGAR ni Senate Majority Leader Francis Tolentino ang troll farm operations na pinopondohan ng China upang siraan hindi lamang ang mga personalildad na itinuturing na anti-China kundi maging ang gobyerno at ang buong bansa.
Sa pagdinig ng Senate Special Committee on Admiralty and Maritime Zones, iprinisinta ni Tolentino ang kontrata ng Chinese Embassy sa Infinitus Marketing Solutions Incorporated para sa operasyon ng mga keyboard warriors na nilagdaan noong August 2023.
Ipinakita rin ni Tolentino ang isang tseke na nagkakahalaga ng P930,000 na kabayaran ng Chinese Embassy sa korporasyon.
Sinabi ng senador na ilan sa mga naging trabaho ng keyboard warriors na magkomento sa mga post at magpakalat ng mga impormasyon pabor sa China.
Ilan sa mga tinukoy ni Tolentino na aktibidad ng warriors o troll farms ay ang mga mga isyu o banat laban sa mga batas kaugnay sa West Philippine Sea gayundin ang mga banat kay Pangulong Bongbong Marcos Jr.
May mga operasyon din ang keyboard warriors laban kay Cong. Ace Barbers matapos umano itong maglabas ng mga pahayag labnan sa China.
Sinabi ni Tolentino na labis na nakakabahala ang operasyong ito ng keyboard warriors na mga nagpapanggap na mga lehitimong professionals o kaya naman ay mga estudyante, o ordinaryong mamamayan ng Pilipinas at naglalabas ng mga komento at impormasyon na nasasakyan at pinaniniwalaan na rin ng karamihan.
Iginiit ni Tolentino na hindi dapat magbulag-bulagan ang lahat laban sa pangungutya ng China na ang layunin na huwag payagan ang Pilipinas na magkaroon ng kakayahan na ipagtanggol ang ating teritoryo at soberanya.