Kinumpirma ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na nahinto ang flight operations ng Laoag International Airport dahil sa lagay ng panahon dulot ng bagyong Egay.
Ayon sa CAAP, pansamantalang pinapalitan din ng international pre-departure area ng paliparan ang domestic pre-departure area dahil kakailanganin ang pagkukumpuni matapos na magkaroon ng bahagyang pinsala sa kisame at pintuan nito.
Habang ang Vigan airport ay nagkaroon ng kaunting pinsala sa mga pasilidad nito dulot parin ng bagyo.
Dagdag pa ng CAAP binaha rin ang rampa ng Lingayen Airport dahil sa malakas na pag-ulan at nasira rin ang bahagi ng bubong (fascia board) ng fire station ng paliparan dahil sa malakas na hangin.
Samantala wala namang naiulat na pinsala sa Baguio Airport, Rosales Airport, at San Fernando Tower Facility.
Sinabi ng CAAP na itinigil din ang operasyon ng Tuguegarao Airport, matapos humina ang supply ng kuryente dahil sa patuloy na nakararanas ng malakas na hangin at ulan.
Patuloy din anyang nakararanas ng malakas na hangin at ulan ang Basco Airport, Cauayan Airport, at Palanan Airport.
Samantala nasa 155 na pasahero naman Ang naapektuhan ng pagkansela ng Cebgo sa kanilang flight sa San Jose Airport mula at papunta ng Manila.
Patuloy na mino-monitor ng mga tauhan ng CAAP Area Center ang sitwasyon ng mga Paliparan at pagbibigay ng mga update dulot ng bagyo. —sa ulat ni Tony Gildo, DZME News