Kinumpirma ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na suspendido ang operasyon ng Echo Air kasunod ng kinasasangkutang aksidente ng kanilang Cessna plane 152 na ikinasawi ng piloto at student pilot nito.
Ito’y matapos matagpuan ang bumagsak na eroplano sa Brgy. Salvacion, Luna, Apayao sa Northern Luzon.
Ayon kay CAAP spokesperson Eric Apolonio, nagpapatuloy ngayon ang retrieval operations para makuha ang dalawang bangkay na sakay ng eroplano.
Matatandaang ang Cessna plane 152 training aircraft ng Echo Air ay ideneklarang missing sa Alcala, Cagayan matapos mawala ang komunikasyon nito at hindi na makarating sa Tuguegarao City Airport kahapon.
Ang mga imbestigador mula sa CAAP Aircraft Accident Investigation and Inquiry Board (AAIIB) ay nagtungo sa mismong crash site para sa gagawing imbestigasyon kaugnay sa naging sanhi ng aksidente. –sa ulat ni Tony Gildo, DZME News