Ipinag-utos ng Department of Transportation (DOTr) ang pagsuspinde sa operasyon ng Solid North Bus Transit Inc. makaraang masangkot ang isa nitong yunit sa malagim na karambola ng mga sasakyan sa Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX).
Sa advisory, sinabi ng DOTr na inatasan ni Transportation Secretary Vince Dizon ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na agad maglabas ng suspension order laban sa Solid North Bus, kasunod ng trahedya sa naturang highway.
Samantala, inihayag ni LTFRB Chairperson, Atty. Teofilo Guadiz III na inatasan na niya ang Legal Division ng ahensya para sa agarang paglalabas ng suspension order sa bus na nasangkot sa aksidente.
Idinagdag ni Guadiz na sa pagbubukas ng opisina ngayong Biyernes, itse-tsek nila ang ruta ng Solid North saka iisyuhan ng suspension para sa buong fleet.
Batay sa record ng LTFRB, ang bus na nasangkot sa aksidente ay naka-rehistro sa Dagupan Bus Company, na ngayon ay nasa ilalim ng Pangasinan Solid North matapos ma-acquire ng JAC Liner Group of Companies.