Kasalukuyang nire-review ng pamahalaan ang posibilidad ng pagpapatupad ng mas mahigpit na regulasyon sa online gambling.
Ayon kay Finance Secretary Ralph Recto, ito ang isa sa mga dahilan kung bakit hindi nabanggit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang usapin sa kanyang State of the Nation Address noong Lunes.
Paliwanag pa ni Recto, posibleng magkaroon ng karagdagang regulasyon sa online gambling na maaaring magsilbing panibagong pagkukunan ng kita ng gobyerno.
Kabilang sa mga ikinukunsiderang hakbang ang pagtataas ng fees at franchise charges ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), pati na rin ang pagdaragdag ng buwis na pamamahalaan ng Bureau of Internal Revenue.
Pinag-aaralan din ng pamahalaan ang panukalang i-require ang mga lisensyadong operator na magpalista sa Philippine Stock Exchange.
Sa kasalukuyan, nakakakolekta ang PAGCOR ng 30% mula sa gross gaming revenues ng mga online operator. Bukod dito, may dagdag pang 5 porsyentong franchise tax na ipinapataw ng BIR.