Inihayag ng Dep’t of Justice na nabibili na sa mababang halaga na hanggang P200-P300 ang online child sexual abuse materials sa bansa.
Sa press briefing sa Malacañang, inihayag ni DOJ Center for Anti-Online Child Sexual Abuse Executive Director Atty. Margarita Magsaysay na dahil ang Online Child Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) ay financially-lucrative o madali at maganda ang kita, kinakagat ng mga biktima maging ang mababang halaga.
Ito umano ang dahilan kaya’t naging mas accessible na para sa mga parokyano ang online child sexual content, kaya’t mismong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay labis nang ikina-alarma ito.
Bukod dito, tinukoy din ni Magsaysay ang Cagayan De Oro, Iligan City, at Taguig City bilang mga lugar kung saan pinaka-talamak ang online child sexual abuse.
Sinabi rin ng DOJ official na umaabot sa daan-daang milyong piso kada taon ang naitatalang transaksyon kaugnay ng child sexual abuse materials, na kalimitang idinadaan sa online money transfer services.