Nanawagan ang grupo ng mga guro sa Department of Education (DepEd) at sa national government na bilisan ang pagpapalabas ng one-time rice allowance sa lahat ng mga guro sa pampublikong paaralan.
Binigyang diin ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines, na ang mga guro sa pampublikong paaralan ay “may karapatan” sa isang beses na 25 kilo na rice allowance na ibinibigay ng pamahalaan sa lahat ng empleyado ng gobyerno ayon sa Administrative Order no. 2, S. 2022, na nilagdaan ni Pangulong Marcos noong Disyembre.
Ngunit ayon sa grupo, hanggang sa kasalukuyan, ay hindi pa rin natatanggap ng karamihan ng mga rehiyon sa bansa ang naturang benepisyo.
Dagdag pa ng grupo, dapat tiyakin ng DepEd ang kalidad ng bigas na ibinibigay sa mga manggagawa ay akma sa konsumo ng tao dahil nakatanggap umano sila ng mga reklamo na ang bigas na ibinigay sa Nueva Ecija, Mindoro, at Bacolod City ay kapos at hindi nakakain. —sa panulat ni Jam Tarrayo