Nilinaw ni Ombudsman Samuel Martires na walang hurisdiksyon ang kanyang opisina para imbestigahan ang umano’y banta ni Vice President Sara Duterte laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at Speaker Martin Romualdez.
Ginawa ni Martires ang paglilinaw nang tanungin sa naging pahayag ni Justice Usec. Jesse Andres na hindi “immune from suit” si Duterte at maaari itong kasuhan ng anumang criminal at administrative case, at saklaw ito ng kapangyarihan ng Ombudsman.
Tinawag ni Martires na misleading ang statement ni Andres, at disinformation sa publiko, dahil ang tinuran ng bise presidente ay private in character at personal kaya wala silang hurisdiksyon dito.
Ipinaliwanag ng Ombudsman na ang pangunahing iniimbestigahan ng kanilang opisina ay mga kasong nasa ilalim ng Republic Act (RA) 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act at mga paglabag sa ilalim ng Revised Penal Code na may kinalaman sa RA 3019. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera