Kinumpirma ni Ombudsman Samuel Martires na sumulat sa kaniya ang Department of the Interior and Local Government (DILG) hinggil sa isyung kinasasangkutan ni Mayor Alice Guo ng Bamban, Tarlac.
Gayunman, sinabi ni Martires na ang natanggap ng kaniyang opisina ay fact-finding report at hindi naman nakasaad kung ano ang kailangang gawin.
Idinagdag ng Ombudsman na hindi rin pirmado ang report na galing umano sa DILG.
Iminungkahi ni martires sa ahensya na maghain ng reklamo na may kumpletong dokumento para masuri at maimbestigahan kung totoo ang mga alegasyon laban sa alkalde.
Una nang inihayag ni DILG Secretary Benhur Abalos na inirekomenda nila sa Office of the Ombudsman na patawan ng preventive suspension si Guo na isinasangkot sa iligal na POGO sa pinamumunuan nitong bayan.