Ipinagtanggol ng Office of the Ombudsman ang ₱51.4 milyon confidential funds nito para sa 2026.
Sa plenary deliberations para sa House Bill 4058 o 2026 General Appropriations Bill, kinuwestyon ni ACT Teachers Party-List Rep. Antonio Tinio kung bakit kailangan ng Ombudsman ng ganitong pondo.
Paliwanag ni Quezon Rep. Keith Mika Tan, na siyang sponsor ng Ombudsman, gagamitin ang confidential funds para sa fact-finding investigation at lifestyle check na mga mandato ng ahensya. Aniya, napapanahon ito lalo’t malaking isyu ang katiwalian sa flood control projects.
Dagdag pa ni Tan, ang DBM mismo ang nagrekomenda ng confidential funds dahil batid nila kung gaano kaselan ang trabaho ng Ombudsman.
Pero giit ni Tinio, malaki ang regular budget ng ahensya, subalit mistulang walang bisa dahil hindi nagiging epektibo sa paglalantad at pagpapanagot sa mga tiwaling opisyal ng gobyerno.