Never ending ang pagbibigay para sa Simbahan lalo na sa mas maraming biyayang natatanggap.
Ito ang naging pahayag ng OFW sa Singapore na si Reynita Fernandez sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality kaugnay sa mga alegasyon laban kay Pastor Apollo Quiboloy.
Sinabi ni Fernandez na pinapaniwala sila ng Kingdom of Jesus Christ na kapag mas maraming biyaya ay mas marami angd apat na ibigay sa simbahan kung saan minsan ay umabot na sa 90 percent ng kanilang sahod ang ibinibigay nila sa simbahan para lang matugunan ang kota na hinihingi sa kanila.
Sa kwento ni Fernandez, hiningan siya ng KOJC ng 500 Singaporean dollars at panibagong 2,000 SGD nang magbalik loob siya sa grupo.
Sinabi pa ni Fernandez na umabot sa pagkakataon na hindi na siya nakabayad ng mortgage ng kanyang bahay dito sa Pilipinas dahil halos lahat ng kanyang pera ay binibigay niya sa KOJC.
Nagkaroon daw kasi sya ng 12,000 SGD na kota sa tinawag nilang month of giving na mula September hanggang Marso.
Inihayag naman ni Reynita na bukod sa kanya ay may iba pang Pilipinong manggagawa ang ipinadala ng KOJC sa pamamagitan ng paggamit ng mga pekeng employer upang ipagtrabaho ang KOJC.
Sinabi ni Reynita na nasira na rin ang pamilya ng mga OFW dahil halos hindi na sila nakakapagpadala ng remittance.